πππ§π¬π’ππ’ππ¨π§π πππ₯π’ππ: Sinibak na sa pwesto ang isang pulis matapos mahulicam sa viral video na nananakit at binubugbog ang isang babae.
Ayon kay PCol Jay Baybayan, OIC Director ng Bulacan Provincial Police office, tatlong taon nang mag live-in partner ang pulis at ang biktima sa viral video na naganap noong March 12.
Agad umano nilang inimbestigahan ang insidente at natuklasang selos ang motibo sa pananakit.
Tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang suspek na kanilang ipinatawag, habang sinabi naman ng biktima na handa siyang ihabla ang kinakasamang pulis.
Una nang kinumpirma ni Malolos City Chief of Police PLt Col. Rommel Geneblazo na nakatalaga sa kanilang istasyon ang naturang pulis na ngayon ay nasa kanilang restrictive custody.
Dinis-armahan na umano ang suspek at kinuha muna ang kanyang PNP ID upang hindi magamit sa anumang pang-aabuso at pananakot sa biktima at pamilya nito.
Sinabi na rin ng National Police Commission o NAPOLCOM na pinaiimbestigahan na nila ang insidente at tiniyak ang pagbibigay ng hustisya sa anumang uri ng karahasan, lalo na sa mga kababaihan.

